Sa loob ng isang jeep parang pelikula yan, maraming klase ng tao at personalities ang mae-encounter mo. Iba-iba rin yung makikita mong ginagawa nila. Minsan nakakainis, pero madalas nakakatuwa. Tulad nalang ng mga 'to.
Scene # 1. I'm the king of the World.
Sila yung mga pasahero na nakatodo open yung bintana, feel na feel niya habang hinahangin yung buhok niya. Hindi niya alam, lumipat na lahat ng kuto at lisa niya sa katabi niya. Kulang na lang ang mag slow-mo saglit ang mundo habang tumutugtog ang Skyline Pigeon Fly sa radyo ng jeep ni manong.
Scene # 2. Dalagang Pilipina.
Eto naman yung mga kung umupo ay naka-paside ng todo. Yung tipong parang sisilipan siya ng lahat ng pasahero ng jeep, habang yung katabi niya pala eh kalahati na lang ng pwet ang sumasayad sa upuan. Tipong pag pumreno si Manong driver eh mapupunta na sa front seat.
Scene # 3. Sleeping Beauty.
Malas mo kung makatabi mo yung mga pasaherong katulad nito. Sila yung mga tipong naka-hawak yung isang kamay sa hawakan ng jeep, tapos maya-maya lang biglang malalaglag. Chamba pa kung magkaumpugan ulo nyo.
Scene # 4. Lean on Me.
Gaya sa scene # 4, mahilig rin matulog ang pasahero na ito. Ang pagkakaiba lang nila, choosy ngaun ang pasahero dahil gusto niya pang umunan sa balikat mo. Ok lang sana kung cute, baka ikaw pa mismo yung sumalo sa ulo niya gamit yung shoulder mo kapag nalalaglag na yung ulo niya.
Scene # 5. Stop! in the name of Love.
Nakakainis yung mga ganitong scene. Eto yung tipong lumabas na vocal chords mo kakasabi ng "para" pero wa epek at parang walang narinig si manong driver. At sa sobrang pagka-bingi niya ay kakailanganin mo na ulit sumakay ng jeep papunta sa dapat mong binabaan. At kung mamalasin ka, magagalit pa sayo si manong at sasabihing "hindi ako bingi, tinatabi ko lang yung jeep". Kamusta naman yon?!
Scene # 6. I Started a Joke.
Isa sa mga nakakatawang scene sa loob ng jeep. Nang gagalaiting sinasabi ng pasahero na "bayad ho, bayad ho, byad ho!, bayad hooooo!" with matching katok pa sa bubong ng jeep. Matataranta naman yung katabi niya dahil wala naman siyang inaabot na bayad. At si manong driver naman ay halos mag ala-lastik man narin na inaabot yung kamay niya sa nagbabayad "daw" na mama. Then marerealize na lang bigla nung mama na "para pala". Ano yun? joke?
Scene # 7. Love Birds.
Favorite ko, haha! Sila yung mga akala mo eh nakaupo sa luneta o sabi ng bay walk. Pero nakakatuwa naman silang tignan. Nakakabitin nga lang yung mga eksena lalo na kung mauuna kang bumaba kesa sakanila.
Scene # 8. Let's get Loud.
Malas mo pag may nakasabay ka sa jeep na magbabarkada na akala mo lunch break sa canteen kung mag kwentuhan with matching appear pa habang nagtatawanan sila. Sila yung mga akala mo nasa loob ng ktv booth na para bang walang nakakarinig sa ingay nila kundi sila. Pero nakakatuwa rin sila kahit pano. Minsan nga parang gusto ko rin sumabat sa pinag-uusapan nila lalo na pag nakaka-relate o may opinyon ako. Minsan nga natatawa rin ako sa kwentuhan nila, pero syempre tinatakpan ko na lang kunwari ng panyo yung bibig ko para 'di halata.
Scene # 9. I can't hear You.
Masarap sapakin yung mga ganitong pasahero lalo na't katabi mo. Sila yung pagkatapos magbayad eh magtutulug-tulugan para hindi na maabutan ng bayad ng iba. Yung tipong kahit itapat mo sa tenga niya yung bibig mo habang sinasabing "bayad daw" ay wala siyang naririnig.
Scene # 10. Pagod na pagod na ako.
Maraming beses na 'ko nalagay sa ganitong kalagayan, yung maupo ka sa dulo malapit sa driver. Syempre asahan mong lahat ng bayad nila, dadaan sayo. Minsan meron pang magagalit dahil ang tagal mong abutin yung bayad niya as if naman na may komisyon ka sa kikitain ni maning driver. Malas mo pa kung hindi uso kay manong driver ang deodorant. At tipong pag iaabot mo sa kanya ang bayad eh may kasamang haplos pa sa kamay mo bago kunin. Wala ka magagawa kundi umurong na lang palayo kapag medyo maluwag na.
Pero sa hinaba-haba man ng byahe at sa dami ng pangyayaring na-encounter mo, it's really a relief when you already reached your destination.
P.S.
Sa sobrang pagka-enjoy mo sa mga scene na nakita mo, nakalimutan mo na palang magbayad.Haha! quits na.
No comments:
Post a Comment